MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Agosto 25 na ang pagtaas ng kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) ngayong taon ay dahil sa pinabuting pag-uulat at hindi sa isang mapanganib na outbreak.
Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na karamihan sa mga kaso na naitala noong 2025 ay nananatiling “suspect” at hindi kumpirmado sa laboratoryo.
Paliwanag ni Domingo, kaya tumaas ng pitong beses ang kaso dahil tumaas din ang reporting kung saan nasa 94% ng mga kaso ay tinatawag na suspect at hindi pa nako-confirm.
Idinagdag ni Domingo na ang pagtaas ng pagbabantay mula sa mga paaralan, daycare center, at mga komunidad ay nakatulong sa pagpapalakas ng pag-uulat, na mahalaga sa pagsubaybay sa pagkalat ng virus.
Binigyang-diin ni Domingo na ang HFMD ay hindi nakamamatay at kadalasang nareresolba nang kusa sa loob ng pito hanggang 10 araw.
Ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso ng HFMD ayon sa datos ng DOH ay Western Visayas (Region VI).
Sinundan ng MIMAROPA, Central Luzon (Region III), ang National Capital Region (NCR), at CALABARZON. Jocelyn Tabangcura-Domenden