MANILA, Philippines – Nagpadala ng distress call ang M/V Filipinas Surigao del Norte habang naglalayag sa katubigan ng Dimasalang sa Masbate alas-9:57 ng gabi nitong Agosto 24, ayon sa kumpirmasyon ng Philippine Coast Guard sa Cebu (PCG-Cebu).
Sakay ng ferry ang 221 pasahero at 55 crew nang umalis sa Port of Masbate City.
Gayunman, habang naglalayag ay tumama sa mababaw na bahagi ng karagatan ang ferry na sinubukan pang magmaniobra palayo sa mga maliliit na fishing boats, ayon kay Chase Cokaliong, Vice President ng Cokaliong Shipping Lines.
Bunsod nito, naantala ng 30 minuto ang biyahe ng ferry bago naibalik ng mga crew ang kurso.
Dumating naman ang M/V Filipinas Surigao del Norte sa Pier 1 pasado alas-9 ng umaga ngayong Lunes, Agosto 25 sakay ang lahat ng pasahero at crew nang ligtas.
Samantala, dinipensahan ni Cokaliong ang desisyon ng mga tripulante na huwag nang bumalik sa Port of Masbate, taliwas sa payo ng mga tauhan ng PCG na nakabase doon.
Nakatanggap ng tawag ang M/V Filipinas Surigao del Norte mula sa PCG sa Masbate dakong alas-11 ng gabi, na inatasan silang bumalik doon kasunod ng insidente.
Ngunit nagpasya ang mga tripulante na ituloy ang biyahe, lalo na matapos inspeksyunin ang kalagayan nito ay natuklasang walang pinsala sa barko, dagdag ni Cokaliong.
Samantala, nagsagawa ng karagdagang inspeksyon ang PCG sa Cebu sa barko.
Sinabi ng Cokaliong Shipping Lines na handa silang makipagtulungan sa mga awtoridad sakaling mabuksan ang imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden