MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go sa Senado na gawing prayoridad ang pagpapalawak sa access sa libreng tertiary education. Sa binuong batas sa panahon ng Duterte administration, si Go bilang Chair ng Senate Youth Committee, ay naghain ng panukala na mas magpapalawak pa sa sakop nito at maaabot ang mga estudyanteng nangangailangan.

Sa pagsasalita sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education nitong Miyerkules, Agosto 27, muling ipinahayag ni Go ang kanyang commitment sa pagsusulong ng mga hakbang upang mapalakas ang inclusivity sa edukasyon at basagin ang mga nagiging hadlang sa mga mahihirap at disadvantaged Filipino youth.
“Education is a right, not a privilege, kaya tuloy tuloy lang po ang ating trabaho. Bilang Chairman ng Committee on Youth, prayoridad ko ang edukasyon ng ating mga kabataan na pundasyon ng kanilang mga pangarap. Ito ang susi sa kanilang magandang kinabukasan,” paliwanag ni Go.
Binalikan ng senador ang landmark reform na pinasimulan sa administrasyong Duterte, kung saan dati siyang nagsilbing Special Assistant to the President.
Tinukoy niya ang pagpirma sa Republic Act No. 10931, o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, bilang isang turning point sa pagsisigurong ang milyon-milyong mga estudyante ay makakapag-aral nang hindi kailangang gumastos nang malaki para sa tuition fee.







