MANILA, Philippines – Binawi ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang permit to operate ng Villar-owned Siquijor Island Power Corp. (SIPCOR) dahil sa matagal na brownout na umaabot ng lima hanggang 15 oras kada araw sa lalawigan.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, epektibo agad ang utos at saklaw nito ang lahat ng provisional authorities ng SIPCOR dahil sa “maraming paglabag sa operasyon at regulasyon.”
“Binigyan na natin sila ng halos dalawang buwan pero nabigo pa rin sila,” ani Garin, na nagsabing mula Enero ay umabot sa 568 beses ang pagkawala ng kuryente, o higit 31 outages bawat buwan.
Dahil dito, nagdeklara ng state of emergency ang Siquijor matapos maapektuhan ang mga paaralan, ospital, negosyo at turismo ng isla.
Pumirma na ng Emergency Power Supply Agreements ang local utility na PROSIELCO sa TotalPower Inc. upang palitan ang SIPCOR. Giit ng DOE, hindi ito political move kundi para tiyakin ang maayos na serbisyo.
Kinumpirma naman ng SIPCOR ang pagtanggap ng desisyon at sinabing pag-aaralan nila ang legal na hakbang, habang tiniyak sa stakeholders na aayusin ang isyu sa lalong madaling panahon. RNT