LEGAZPI CITY — Anim na estudyante ang nasaktan matapos gumuho ang canopy ng entablado sa Peñaranda Park habang nag-eensayo para sa sayaw Sabado ng hapon.
Batay sa pulisya, nasa 40 estudyante ang nasa gitna ng ensayo bandang 5:50 p.m. nang biglang bumigay ang trapal na bumigat dahil sa naipong tubig ulan.
“Sa lakas ng ulan, napuno ng tubig ‘yung trapal… bumigat ang bubong at nag-crack ang bakal hanggang sa bumagsak,” paliwanag ni PLtCol. Domingo Tapel ng Legazpi Police.
Isa sa mga biktima ang nagtamo ng hiwa at kasalukuyang naka-confine sa ospital, habang ang lima naman ay nagtamo ng minor injuries.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad at ng BFP ang insidente para matiyak ang kaligtasan sa lugar. RNT