MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Quezon City ng 681 porsiyentong pagtaas sa mga kaso ng sakit na Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) ngayong taon ngunit sinabi na ang mga nabanggit na impeksyon ay bumababa.
Sinabi ni Dr. Rolly Cruz, chief Epidemiologist ng QC Epidemiology and Surveillance Division, na nakapagtala ang lungsod ng 563 kaso ng HFMD mula Enero hanggang Agosto 29, 2025, isang 681 porsiyentong pagtaas mula sa 72 kaso ng HFMD na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
“Kagandahan nito, wala tayong natatalang namamatay,” sinabi pa nito.
Sinabi pa nito na ang median na edad para sa mga impeksyon ay tatlong taong gulang.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na ang mga sintomas ng HFMD, na isang viral disease, ay kinabibilangan ng banayad na lagnat at mga sugat sa loob at gilid ng bibig at isang pantal sa mga kamay at paa.
“Masakit ‘yung sores sa bibig kaya yun ang binibigyan natin ng lunas,” sabi ni Cruz.
Sinabi ni Cruz na ang pagtaas ng mga kaso ng HFMD ay dahil sa pagbubukas ng mga paaralan pagkatapos ng mahabang pahinga.
“Nakabakasyon mga bata, nagpasukan ulit. Ayun nagkaroon ng hawaan. From the community, nadala sa school. Napakalakas makahawa ng HFMD,” sinabi pa nito.
Ang mga kaso ng dengue ay tumaas din sa 7,300 kaso sa Quezon City mula Enero hanggang Agosto 29, 2025, na mas mataas ng 141 porsiyento kumpara sa mga naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. Santi Celario