MANILA, Philippines – Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang Drainage Master Plan (DMP) matapos bahain ang lungsod nitong Sabado dahil sa matinding thunderstorm na nagbuhos ng 96.6 mm ng ulan sa loob lamang ng isang oras, ayon sa PAGASA.
Ayon kay Peachy de Leon ng QCDRRMO, kabilang sa plano ang paggawa ng detention basin sa Barangay Tandang Sora at Barangay Sta. Monica, at mga retention pond para pansamantalang imbakan ng tubig-ulan. Kasama rin ang paglalagay ng waste-trap nets sa mga estero at ilog para harangin ang basura, at permeable pavements na magpapahintulot na sumipsip ng tubig-ulan ang mga kalsada at walkway.
Ani De Leon, may 138 pang flood control projects na nakalatag sa lahat ng distrito, na dapat munang idaan sa konsultasyon sa mga komunidad.
Binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte na may 254 proyekto ng DPWH na nagkakahalaga ng ₱14 bilyon na isinagawa nang walang koordinasyon sa lungsod. “May drainage master plan na ang Quezon City at dapat nakaayon dito ang lahat ng proyekto,” ani De Leon.
Ikinumpara ng PAGASA ang buhos ng ulan sa bagyong Ondoy noong 2009 na nagdala ng 455 mm ng ulan sa anim na oras. Sa kaso ng Agosto 30, umabot sa 96.6 mm ang ulan sa loob lamang ng isang oras, dahilan para bumigay ang drainage system at magdulot ng malawakang pagbaha.
Tiniyak ni De Leon na may pangmatagalang solusyon ang QC, ngunit hinimok ang mga residente na manatiling mapagmatyag. “Sa oras ng emergency, tumawag sa 122 at sundan ang mga opisyal na abiso ng QCDRRMO at ng QC Government,” aniya. Santi Celario