Home NATIONWIDE Ari-arian ng Discaya sa Pasig, pinagbabato ng putik, sinulatan ng ‘magnanakaw’

Ari-arian ng Discaya sa Pasig, pinagbabato ng putik, sinulatan ng ‘magnanakaw’

290
0

MANILA, Philippines – Binulabog ng isang kilos protesta mula sa iba’t ibang grupo ang labas ng St. Gerrard Construction sa Pasig City ngayong Huwebes, isa sa mga kumpanyang pag-aari ng mga kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.

Tinutuligsa ng mga grupo ang mga umano’y tiwaling kumpanya at mga pulitiko sa likod ng mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol sa baha.

Ang mga nagprotesta ay naghagis ng putik sa tarangkahan at nag-spray ng mga salitang “magnanakaw”, “corrupt,” at “ikulong” sa parehong gate at sa mga dingding sa labas ng ari-arian.

“Pinili nating pumunta dito sa isa sa mga kumpanya na tinuturing nga na ‘Flood Control Queen and King’, ‘yung mga Discaya para ipakita at dalhin ‘yung galit ng mamamayan sa mga magnanakaw,” saad ni Jonila Castro, spokesperson of environmental group Kalikasan.

“Gusto nating ipakita doon ‘yung mismong galit natin sa kanila. Na habang tayo ay nilulubog sa baha at putik, sila lumulubog naman sa pera na ninakaw nila sa mamamayan,” dagdag niya.

Ayon sa Pasig police, walang kaukulang permit to rally ang grupo at maaaring nakagawa ng malicious mischief sa mga ari-arian ng Discaya.

Idinagdag pa ng pulisya na nagsagawa sila ng maximum tolerance at agad na binalaan ang mga nagprotesta, na kalaunan ay sumunod din.

“With or without permit, we always exercise or implement the maximum tolerance policy natin dito. But sa mga ganitong sitwasyon dapat hindi natin payagan na may ganyang mangyari kasi they might be committing the case of malicious mischief,” saad ni PCol. Hendrix Mangaldan, Pasig chief of police.

Idinagdag ng mga awtoridad na nasa pamamahala ang pagpapasya sa posibleng legal na aksyon, at handa ang pulisya na makipag-ugnayan kung kinakailangan.

Giit ng mga nagprotesta na ang ginawa ng mga Discaya ay higit na masama kaysa sa kanilang mga aksyon.

“Mas salaula naman po ‘yung ginawa nilang pagnanakaw sa mga mamamayan… Ang mga bahay natin dahil sa mga putik at baha. Mas salaula ‘yung ugali ng mga magnanakaw at dapat silang managot,” ani Castro.

Noong Lunes, kinumpirma ni Sarah Discaya ang pagmamay-ari ng 28 luxury cars at itinanggi ang pagkakaroon niya ng mga ghost project habang kaharap niya ang Senate Blue Ribbon Committee sa mga maanomalyang flood control projects.

Nanindigan si Discaya na ang mga sasakyan ay hindi binili gamit ang pera ng mga nagbabayad ng buwis.

Inamin din niya na may kilala siyang mga tao mula sa Department of Public Works and Highways, kabilang ang mga district engineer para sa Bulacan at Laguna, ngunit itinanggi na sila ang nagbigay sa kanya ng mga proyekto. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here