MANILA, Philippines – Inaresto ng Royal Canadian Mounted Police (RCMP) si Romana Didulo, isang Filipina na nag-aangkin bilang “Queen of the Kingdom of Canada,” matapos salakayin ang isang compound na inokupa niya at ng kanyang mga tagasuporta sa Saskatchewan.
Naaresto si Didulo habang nagla-livestream, matapos utusan ng mga pulis na nakasuot ng tactical gear na sumuko siya. Kasama rin niyang naaresto ang 16 na tagasunod.
Nakuha ng mga awtoridad ang apat na pekeng baril matapos makatanggap ng ulat na armado ang grupo.
Kinumpirma ni RCMP Inspector Ashley St. Germaine na si Didulo, lider ng tinaguriang “Kingdom of Canada,” ay nasa kustodiya na.
Nagkaroon ng kaguluhan nang tangkain ng kanyang mga tagasunod na lusubin ang himpilan ng pulisya kung saan siya dinala.
Ipinanganak sa Pilipinas, pinamunuan ni Didulo ang isang grupong tumatanggi sa batas ng Canada at hinihimok ang mga mamamayan na sumumpa ng katapatan sa kanyang “kaharian.”
Sa ilang video, idineklara pa niyang siya ang Commander-in-Chief at inutusan ang militar na buksan ang mga hangganan para umano sa “World War III operation.”
Nagsimula ang kanyang organisasyon mula sa QAnon conspiracy at Sovereign Citizen movements.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang buong listahan ng mga inaresto o ang eksaktong kasong kakaharapin ni Didulo. RNT