MANILA, Philippines – Bibigyan ni Senador Panfilo Lacson si Secretary Vince Dizon ng mga ebidensya laban sa “rotten fruits” sa Department of Public Works and Highways kasabay ng hakbang ng kalihim na sugpuin ang korapsyon sa ahensya.
Nauna nang idinetalye ni Lacson ang korapsyon sa likod ng palpak at mga ghost flood control projects sa kanyang privilege speech noong Agosto 20.
“Godspeed, Sec. Vince Dizon. May the force be with you to cleanse the DPWH of greed and self-aggrandizement. My office will provide you with damning evidence against some ‘low-hanging rotten fruits’ but will instill fear so that others will think twice before following their bad examples,” ani Lacson.
Sinabi pa ng senador na ginagawa na niya ang ikalawang bahagi ng kanyang “Flooded Gates of Corruption” privilege speech, na itinakda sa Setyembre 10 na mangyayari umano kung makakakita pa siya ng mga bagong ebidensya sa mga maling gawain sakop ang flood control projects.
Matatandaan na ngayong linggo ay iniluklok si Dizon bilang kalihim ng DWPWH at inatasan ang lahat ng mga opisyal ng ahensya na maghain ng courtesy resignations.
Magsasagawa naman ng malalim na pagsusuri matapos ang resignation, at pananatilihin sa pwesto ang mga high-performing official sa ahensya. RNT/JGC