MANILA, Philippines – Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga batas na nagtatatag ng limang bagong regional trial courts (RTC) at dalawang municipal trial courts (MTC) sa Cebu, Cagayan Valley, at Davao region.
Batay sa Republic Acts (RA) 12242, 12243, 12244 at 12245 na pinirmahan noong Agosto 29 at inilathala sa Official Gazette nitong Huwebes, lilikhain ang isang RTC sa Alicia, Isabela; dalawa sa Mati City, Davao Oriental; at tig-iisa sa Ilagan City at Tumauini, Isabela.
Sa ilalim naman ng RA 12244, dalawang MTC ang itatatag sa Tagum City, Davao del Norte.
Inaatasan ng mga batas ang Korte Suprema na magtalaga ng branch numbers para sa mga bagong korte at tiyakin, sa koordinasyon ng Department of Justice, ang agarang pagsama sa judicial program.
Maglalabas din ng mga alituntunin ang Korte Suprema para sa implementasyon ng mga batas.
Kasama sa taunang General Appropriations Act ang pondong ilalaan para sa personnel services, halls of justice, courtrooms at mga posisyon para sa mga piskal. Ilalabas ang karagdagang pondo para sa operasyon ng mga korte sa oras na ito ay maitatag at makapagtalaga ng mga tauhan.
Epektibo ang mga batas 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. RNT/JGC