SINO itong mataas na opisyal ng pamahalaan at asawa ng kanyang alalay—na opisyal din umano—ang itinuturong magkasangga sa ilang sub-contract projects sa Zamboanga?
Ayon sa mga bulung-bulungan, hindi raw flood control ang mga proyekto, pero kapansin-pansin ang reklamo hinggil sa substandard na materyales at hindi angkop na disenyo, bagay na nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan ng publiko.
Sabi pa ng mga miron, hindi lang daw sila tandem sa iisang ahensya kundi tandem din sa umano’y mga kalakarang kumakaltas sa kaban ng bayan. Sa kabila ng kanilang pormal na anyo at maayos na pananamit sa publiko, usap-usapan na ang kanilang marangyang pamumuhay ay bunga ng mga ganitong transaksiyon.
May nagsasabing maliban sa mga mamahaling sasakyan, hilig din umano ng pamilya ang koleksiyon ng mga bag at iba pang luho. Kaya raw paborito nilang lugar ang Zamboanga dahil mas “tahimik” at mahirap mabantayan mula sa sentro ng kapangyarihan.
Kung totoo ang mga kuwentong ito, malaking dagok ito hindi lamang sa pondo kundi pati sa tiwala ng taumbayan. Sabi pa ng iba, baka sa oras na lumabas ito sa social media o maisumbong sa Pangulo, doon lang mabubunyag ang lahat.
Para sa mga matyagang magbasa ng mga clue: sinasabing ang naturang opisyal ay dating negosyante na naging politiko at may kaanak sa Kongreso. At kung hilig mo ang musika ng dekada ’80, baka ang pangalan ng isang sikat na mang-aawit ay magsilbing dagdag pahiwatig. RNT