MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng pagtaas ng seismic activity sa Mayon Volcano nitong Sabado, Setyembre 6 na posibleng magresulta sa phreatic o steam-driven eruption.
Ayon sa Phivolcs, ang tumataas na seismicity at matagal nang pamamaga ng bulkan ay indikasyon na maaaring may nagaganap na deep magma intrusion sa ilalim ng Mayon, na nagpapataas ng tsansang magkaroon ng phreatic eruptions sa bunganga.
Batay sa ground deformation data, nagpapakita ng “non-uniform” inflation ang bulkan sa hilagang-silangang bahagi mula pa Oktubre 2024 at sa timog hanggang timog-kanlurang sektor simula Marso 2025.
Naitala rin ng ahensya ang 26 volcanic earthquakes mula hatinggabi ng Sabado sa lalim na 5-10 kilometro sa hilagang-silangang bahagi ng Mayon, at 609 tonelada kada araw ng sulfur dioxide emissions nitong Setyembre 3.
Pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na iwasan ang loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil sa banta ng rockfall, landslides at biglaang pyroclastic density currents na maaaring idulot ng phreatic eruption.
Nanatiling nasa Alert Level 1 ang Mayon Volcano. RNT/JGC