MANILA, Philippines – Umabot sa 36 katao ang naaresto sa ilegal na droga kabilang ang shabu at marijuana na nagkakahalaga ng P1.9 milyon sa magkakahiwalay na operasyon sa CALABARZON.
Base sa pamumuno ni PBGen. Paul Kenneth T. Lucas Regional Director ng PRO4 Calabarzon, nagsimula ang operasyon kontra ilegal na droga ng dakong alas-6:00 ng umaga nitong Biyernes, Setyembre 5, at natapos umaga ng Sabado sa 31 operasyon sa magkakahiwalay na lugar partikular sa probinsya ng Laguna, Batangas, Quezon, Cavite at Rizal.
Napag-alaman na apat sa mga naaresto ay kabilang sa High Value Individuals, samantalang 32 ang nasa Street Level Individuals kung saan narekober sa mga ito ang 162.53 gramo ng hinihinalang Shabu at 4,096 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang may kabuuang halaga na P1, 989,684.00.
Ayon kay PBGen. Lucas ang naturang operasyon ay kaakibat hinggil sa patuloy na pagtutok ng kapulisan base sa direktiba ng bagong Chief ng Philippine National Police, PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. kung saan nakatuon ang pagpapatibay ng peace and order at pagpapaigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, terorismo at loose firearms.
“Hindi natin hahayaang manaig ang iligal na droga na sumisira sa kinabukasan ng ating kabataan at pamilya, ang bawat operasyon na ating isinagawa ay patunay ng matibay na paninindigan ng PRO CALABARZON na ipagpatuloy ang laban kontra sa illegal na droga,” ani PBGen Lucas.
Dagdag pa nito na makakaasa ang publiko na hindi titigil ang mga kapulisan sa PRO4 Calabarzon sa pagbibigay ng serbisyong tapat at nakatuon para sa kapakanan ng mamamayan sa lalawigan ng Calabarzon.
Samantala, ang 36 katao na inaresto ay pansamantalang nakakulong sa himpilan ng pulisya at kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002). Ellen Apostol