MANILA, Philippines – Tiniyak ng Senate blue ribbon committee sa mga kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya ang kanilang kaligtasan matapos pangalanan ang ilang miyembro ng Kamara at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa umano’y kurapsyon sa mga proyekto sa flood control.
Sa pagdinig ng Senado, ibinigay ni committee chair Sen. Rodante Marcoleta ang katiyakan matapos sabihin ni Sen. Erwin Tulfo na humingi ng proteksyon ang mag-asawang Discaya.
Ipinaliwanag ni Marcoleta na sa ilalim ng Republic Act 6981, ang panel ay magrerekomenda ng proteksyon sa pangulo ng Senado, na ang pag-apruba ay kinakailangan bago mailagay ang isang testigo sa ilalim ng proteksyon ng estado.
“So if you want this committee to request protection… through our authority, we will recommend it to the Senate president, and once it is signed, you will receive protection as provided under this law,” saad ni Marcoleta.
Sumagot si Curlee pinahihintulutan niya ito.
Sinabi ni Marcoleta na nakipag-usap na rin siya kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa usapin, at tiniyak ng huli na handa ang Department of Justice na tuparin ang mandato nito na protektahan ang mag-asawa—sa kondisyong hindi sila ang “most guilty.”
“He said, you can tell them that they have provisional immunity, and they won’t be easily prosecuted,” ani Marcoleta said, sa pagsisipi kay Remulla.
“This is in preparation for their application to our state witness program; that was the assurance given to me,” dagdag niya. RNT/MND