PHNOM PENH, Cambodia – Kapwa sinaksihan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Cambodian Prime Minister Hun Manet, araw ng Lunes ang paglagda sa tatlong ‘landmark agreements;’ na naglalayong palakasin ang seguridad, edkasyon at connectivity sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia.
Ang mga kasunduan, tinintahan sa Phnom Penh panahon ng three-day state visit ni Pangulong Marcos, saklaw ang pinahusay na police cooperation laban sa transnational crime, pagpapalitan sa higher education, at pinalawak na air connectivity sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang una ay ang pagsususog o pag-amiyenda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine National Police at Cambodian National Police, na tumutukoy ngayon sa mas malalim na kooperasyon ukol sa human trafficking, arms trafficking, at cybercrime, na may automatic renewal clause.
Ang pangalawa naman ay MOU hinggil sa higher education cooperation sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Ministry of Education, Youth, and Sport ng Cambodia.
“This provides for exchanges of officials and training programs, as well as joint initiatives in science, technology, and innovation,” ayon sa ulat.
Habang ang pangatlo ay bagong Air Services Agreement, pinahihintulutan ang designated airlines ng dalawang bansa na pumasok sa ‘code-sharing alliances, mag-operate ng charter flights, at gamitin ang fifth freedom rights—pagpapagana ng mga carrier para makapaghatid ng mga pasahero at cargo sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia na may paghinto sa third country.
“These agreements underscore the broadening of our partnership—not only in fighting crime and enhancing security, but also in building bridges in education and providing greater mobility and opportunities for our peoples,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa joint press conference kasama si Hun sa Peace Palace.
Ang mga kasunduan ay nagko- complement sa pangako ng mga lider na paiigtingin ang kooperasyon laban sa human trafficking, cybercrime, illicit drugs, at iba pang cross-border threats.
Napagkasunduan din ng mga ito na isulong ang mas malakas na ugnayan sa kalakalan, agrikultura, renewable energy, digital economy, at people-to-people exchanges.
Ang pagbisita ng Pangulo ay unang state visit ng Philippine President sa Cambodia sa halos siyam na taon, habang naghahanda ang Maynila para sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Chairmanship sa 2026 at kampanya para sa non-permanent seat sa United Nations Security Council. (KRIS JOSE)