Home OPINION “OUT-OF-POCKET” GASTOS NG PINOY SA KALUSUGAN NASA 60% – DOH

“OUT-OF-POCKET” GASTOS NG PINOY SA KALUSUGAN NASA 60% – DOH

301
0

ANIM na taon matapos maisabatas ang Universal Health Care (UHC) Law, patuloy pa ring pasan-pasan ng mga Filipino ang malaking bahagi ng gastusin sa pagpapagamot kaya kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang Department of Health (DOH) kung bakit hanggang ngayon 60 porsyento pa rin ang gastos ng Filipino sa kalusugan.

Sa pagdinig ng House appro­priations committee para sa pa­nukalang 2026 budget ng DOH, umamin si DOH Secretary Teo­doro Herbosa na nananatiling nasa 60 porsyento ang “out-of-pocket expenses” ng mga pasyente, malayo sa target na 20 porsyento na nakasaad sa batas.

Ayon kay Akbayan representative Jose Manuel Tadeo “Chel” Diokno, malaking dagok sa ba­wat pamilya ang pagkakasakit ng isang miyembro dahil umaabot hanggang sa 40 porsyento ng kita ng isang manggagawa ang nauubos sa ospital. “Kailan makaaasa ang ordinaryong Fi­lipino na talagang bababa ang kanilang ginagastos kapag sila’y nagkakasakit?” tanong niya.

Ipinaliwanag ni Secretary Herbosa na naantala ang imple­mentasyon ng UHC dahil sa COVID-19 pandemic, ngunit target ng kagawaran na mapababa ang gastos ng publiko sa pa­mamagitan ng mas mataas na Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) reimbursements at mas pinalawak na benefit packages. Gayunman, inamin niyang nasa 41% pa lamang ang bahagi ng pamahalaan sa health spending, at layunin niyang maitaas ito sa 70 porsyento bago siya bumaba sa puwesto.

Bukod dito, binigyang-diin din ang kakulangan sa public oral health services kung saan mayroong isang public dentist lamang para sa bawat 48,130 Filipino. Tinukoy rin ni representative Diokno ang hindi patas na sahod ng mga dentista na mas mababa pa kaysa sa mga nurse, bagay na kinilala ni Secretary Herbosa bilang malaking problema na sisikaping ayusin sa pama­magitan ng pagbuhay muli sa dental program ng DOH.

Nanawagan ang kalihim sa Kongreso ng mas malaking pondo upang matupad ang pangako ng UHC.
“Kung tataasan ang budget, mas magiging handa ang ating mga doktor at health worker para maisakatuparan ang universal health care para sa lahat ng Pilipino,” aniya.

Naipasa noong 2019 sa ila­lim ng Duterte administration, layunin ng UHC Law na gawing awtomatikong miyembro ng PHILHEALTH ang lahat ng Filipino, at tiyakin na may akses ang bawat isa sa abot-kayang serbisyong medikal.

Ayon sa World Health Organization, ang UHC ay susi upang maiwasan ang “catastrophic health spending” o labis na pagbagsak ng kabuhayan ng pa­mil­ya dahil sa gastusin sa pagpapagamot.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang pamahalaan sa pagpapala­kas ng primary health care at community health centers, pagdaragdag ng PHILHEALTH packa­ges para sa mas maraming uri ng sakit, at pagre-restructure ng sahod at plantilla para sa mga allied health worker.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here