PAANO kaya tratuhin ang lahat ng kontratista, kongresman at taga-Palasyo na sangkot sa daan-daang bilyong pisong anomalya sa flood control projects?
Sa imbestigasyon ng Kamara at Senado, natural na walang pang-aaresto at pagkukulong maliban lang kung may contempt.
Layunin lang kasi ng Kongreso na makapagbuo ng batas batay sa mga datos na nakakalap sa mga imbestigasyon.
May pang-aaresto at pagkukulong lang kung nasa mga korte, gaya ng Sandiganbayan at Regional Trial Court ang mga kaso.
Ito’y dahil magre-rekomenda lang ang mga kongresman at senador ng mga kasong kriminal sa Ombudsman o/at Department of Justice na siyang magsasampa ng kaso sa Ombudsman o/at DOJ.
Ganito rin ang mangyayari sa binubuo ni Pangulong Bongbong Marcos na Independent Commission na mag-iimbestiga rin.
‘Yun bang === recommendatory rin sa Ombudsman o DOJ ang mga matatagpuan nilang krimen na nagawa sa mga flood control project.
PAG-ARESTO, PAGKULONG SANA MABILIS
Walang nakaaalam kung kailan matatapos ang mga imbestigasyon at magkaroon ng rekomendasyon para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa mga anomalya.
Aabutin ba ng ilang buwan ang mga imbestigasyon at pagsusumite ng rekomendasyon?
Tiyak na merong matatagpuan na posibleng nakagawa ng mga krimeng korapsyon at pandarambong.
Tiyak ding na may mapapawalang-pananagutan kahit isinasangkot sila sa mga imbestigasyon.
Ang pinakapunto, dapat may masampulan.
Pangunahin sa mga dapat masampulan ang mga kongresman o senador, kung meron man, dahil ang pamahalaan ang pangunahing alalahanin.
Dapat panatilihin itong tapat sa mandato ng konstitusyon na nagsasabing pangunahing tungkulin nitong paglingkuran at protektahan ang taumbayan.
Ang taumbayan kasi ang pangunahing napipinsala sa mga gawang korapsyon at pandarambong kaya dapat lang na maaresto, makulong at magsauli ng nakaw na yaman ang mga korap at mandarambong upang mabigyan ng hustisya ang taumbayan.
MARAMING KONGRESMAN AT TAGA-DPWH
Sa testimonya lang ng mag-asawang kontraktor na Discaya sa Blue Ribbon committee, nasa 17 kongresman ang sangkot sa napakalalaking anomalya sa mismong mga proyekto.
May dalawa pang mga pinakamakapangyarihan kongresman.
Sa parte naman ni Navotas Congressman Toby Tiangco, may dagdag na apat at sila ang bumuo ng small committee noong 2024 na umano’y nagmaniobra para babuyin ang National Expenditure Program ngayong taon.
Malakas din ang paniniwala na may senador na kasama sa maniobrahan sa 2025 NEP nang dumating na ito sa bicameral conference committee na roon nakita ang mga dagdag-bawas sa ilang pondo para sa mga proyyekto, at kabilang sa mga biktima rito ang pagkawala mismo ng pondo para sa PhilHealth at pagbabawas sa badyet ng Department of Education.
Lumalabas din may sangkot na taga-Palasyo gaya ng isang Undersecretary habang marami-rami rin ang mga taga-DPWH.
May mga sabwatan at lumalabas na biktima at kasabwat din ang mga kontraktor.
TODO-DENY SILA
Habang tinitipa ito, may nagde-deny nang mga kongresman na idinawit ng mga Discaya sa pagkakasangkot sa mga anomalya.
Makikitata sa mga susunod na araw, kasama ang imbestigasyon ng Independent Commission, kung sino-sino ang mga nagsasabi ng totoo o kasinungalingan para magkaroon na pang-aaresto at pagkukulong.






