MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pondong orihinal na inilaan para sa locally funded flood control projects sa panukalang 2026 budget ay ilalaan na sa edukasyon, pangkalusugan at iba pang agarang pangangailangan.
“‘Yung locally funded kung tawagin na project that amounts to about ₱225 billion, we will reappropriate it to education, to health, and other departments that are in need of this funding,” ani ng Pangulo.
Paliwanag pa ng Pangulo, ang 2025 flood control budget na ₱350 billion ay naantala dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon, dahilan upang ang 2026 allocation ay “unnecessary.” Gayunman, magpapatuloy ang mga foreign-assisted flood projects na nagkakahalaga ng ₱50 billion.
Tinuran ng Pangulo na ang realignment ay naglalayong i-maximize ang paggamit ng savings at agad na tugunan ang mga panlipunang pangangailangan.
Nauna rito, iniulat ng Department of Budget and Management (DBM) na ipinalabas na nito ang halos lahat ng appropriated budget para sa kasalukuyang taon, kung saan ₱285.3 billion ang natitira para sa mga ahensya ng gobyerno.