MANILA, Philippines – Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 12254 o E-Governance Act na nagtataguyod sa digital na pagbabago ng gobyerno at nagpapalakas sa ICT Academy.
Nilagdaan noong Setyembre 5, binibigyang-diin ng batas ang papel ng ICT sa nation-building at layong gawing interoperable ang mga sistema ng gobyerno sa pamamagitan ng iisang process architecture na may tamang seguridad.
Layunin din nitong palawakin ang electronic transactions, lalo na sa panahon ng sakuna at pandemya. Inaatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magpatupad ng pambansang polisiya para sa inobasyon, suportahan ang mga start-up, at maghanda ng E-Government Master Plan bilang gabay sa digital transformation ng burukrasya.
Obligado rin ang mga lokal na pamahalaan na magtatag ng sarili nilang portal o gumamit ng eLGU system ng DICT. Isa ang E-Governance Act sa mga prayoridad na panukalang batas na binanggit ni Marcos sa kanyang unang SONA at naaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago matapos ang ika-19 na Kongreso. RNT