MANILA, Philippines – Tumanggi si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na pirmahan ang liham na nag-eendorso kina kontratista Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya para sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice.
Ang kahilingan ay mula kay dating Blue Ribbon chair Senador Rodante Marcoleta, na nangakong bibigyan ng pansamantalang immunity ang mag-asawa kung sila ay magpapatotoo sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Sotto, ipinasa niya ang usapin kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ngayon ay pinuno ng Blue Ribbon Committee. “Is that ‘tell-all’ really a tell-all to make them a state witness, or just a ‘tell-half’?” ani Sotto, na iginiit na kailangan pang suriin ang panukala.
Sinabi ni Marcoleta na boluntaryong pumayag ang mag-asawang Discaya na magpatotoo at nakapagsumite na ang komite ng liham sa DOJ noong Setyembre 8 bago ang pagbabago ng liderato sa Senado.
Sa kanilang sinumpaang salaysay, ibinunyag ng Discayas na humihingi umano ng hanggang 25 porsyentong kickback ang ilang mambabatas at opisyal ng DPWH mula sa mga flood control project at nagbabantang hindi ito itutuloy hangga’t walang bayad. RNT