MANILA, Philippines – Idineklara ng Department of Agriculture (DA) na bird flu-free na ang Camarines Sur, limang buwan matapos ang huling kaso ng H5N9 na naitala noong Abril 2025.
Sa bisa ng Memorandum Circular No. 27 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pormal nang nakarekober ang probinsya matapos ang matagumpay na containment campaign sa Camaligan, kung saan unang natukoy ang virus sa isang backyard duck farm.
Kasama sa mga hakbang ang pagpatay ng apektadong manok at bibe, disinfection, movement restrictions, at surveillance na nagpakitang walang bagong kaso sa loob ng isa at pitong kilometrong radius.
Ayon kay Laurel, alinsunod ang deklarasyon sa pamantayan ng World Organization for Animal Health ngunit maaari itong bawiin kung may bagong kaso.
Tiniyak ng DA na mananatili itong mapagmatyag laban sa avian influenza.
Hindi kabilang ang Camarines Sur sa top 10 poultry producers ng bansa, ngunit tumaas ng 6.8% ang produksyon ng manok noong 2024 sa 2.08 milyong metric tons na may halagang ₱278.66 bilyon, habang nanatili sa 29,960 metric tons o ₱5.16 bilyon ang produksyon ng bibe. Santi Celario