MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na nakahanda na ang mga security plan sakaling magkaroon ng kilos-protesta sa bansa na tulad ng nangyari sa Nepal at Indonesia.
Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakalatag na ang plano para sa dispersal, crowd management, at seguridad, kasabay ng tuloy-tuloy na intelligence monitoring sa buong bansa.
Tiniyak din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na handa itong humarap sa mga demonstrasyon sa Metro Manila.
“While we exercise maximum tolerance, we will not allow any violation of the law,” ayon sa NCRPO, na iginiit na ang mga kilos-protesta ay hindi dapat magdulot ng panganib sa publiko o abala sa komunidad.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpigil sa gulo, vandalism, at trapikong istorbo.
Ang mga protesta sa bansa kamakailan ay bunsod ng umano’y korapsyon sa flood control projects, kasabay ng matinding pagbaha sa ilang lugar.
Sa Nepal at Indonesia, nauwi sa kaguluhan ang malalaking rally laban sa katiwalian at pribilehiyo ng mga pulitiko. Santi Celario