Home NATIONWIDE Deputy chief, 1 pang pulis natagpuang patay sa police quarter

Deputy chief, 1 pang pulis natagpuang patay sa police quarter

309
0

MANILA, Philippines – Natagpuang patay sa kanyang quarter ang deputy chief of police ng bayan ng Santa Margarita, Samar noong Miyerkules.

Nadiskubre ang bangkay ng isang police lieutenant na tigmak ng dugo nang tatawagin sana siya ng kanyang kasama para maghapunan.

Nakita sa ibabaw ng dibdib ng biktima ang kanyang service firearm at may tama siya ng bala sa ulo.

Sinabi ni Police Col. Arwin Tadeo, hepe ng Samar Police Provincial Office sa isang pahayag na patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

“Inutusan namin ang Santa Margarita MPS at ang Samar Police Provincial Forensic Unit na magsagawa ng masinsinan at walang kinikilingang pagtatanong upang matukoy ang mga pangyayari sa kanyang pagkamatay.”

Dagdag pa niya, humingi sila ng tulong sa CIDG Western Samar PFU at NBI Samar Field Office para magsagawa ng sariling imbestigasyon para sa mas malalim na pagsisiyasat sa kaso.

“Ang Samar PPO ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay at panalangin sa naulilang pamilya, mga kasamahan, at mga mahal sa buhay sa panahong ito ng pagluluksa. Makatitiyak sila na ibibigay ng PNP ang bawat kinakailangang suporta sa kanyang pamilya habang tinitiyak ang isang patas at malinaw na imbestigasyon,” sabi ni Tadeo.

Sa lalawigan ng Aklan, isa pang pulis ang natagpuang patay rin sa kanyang quarter kahapon ng madaling araw.

“Nakarinig sila ng putok at pagkatapos ay natagpuan siya sa loob ng kuwarter ng pulisya,” sabi ni Police Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office.

Hindi na tinukoy ang pangalan ng pulis, batay na rin sa hiling ng kanyang pamilya sa bayan ng Dao sa lalawigan ng Capiz.

Ang 28-anyos na pulis na may ranggong Patrolman ay nakatalaga sa 4th Maneuver Platoon ng 1st Aklan Provincial Mobile Force Company.

Sinabi ni Police Capt. Jover Ponghon, hepe ng Altavas police, naganap ang insidente dakong 4:15 a.m.

Natagpuan ang biktima na nakahiga sa kanyang kama at tigmak ng dugo.

Dinala ng Altavas Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima sa ospital kung saan idineklara siyang patay.

Natagpuan malapit sa bangkay ang cal. 9mm service firearm ng biktima.

“Hindi pa natin alam kung aksidente ba ang pamamaril o sinadya. Siya ay isang masayang batang pulis,” sabi ni Ayon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here