Home NATIONWIDE Illegal online gambling, mas naging talamak nang alisin ang e-wallets sa regulated...

Illegal online gambling, mas naging talamak nang alisin ang e-wallets sa regulated online gaming platforms

265
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang grupong pangkonsyumer sa lumalalang banta ng illegal online gambling sa Pilipinas matapos idiskonekta ang digital wallets mula sa licensed and regulated online gaming platforms.

Ayon kay Mark Jansen Magsano, convenor ng Malayang Konsyumer, naging mas agresibo ang illegal operators sa paggamit ng social media, chat apps, text messages, at underground channels para makapanghikayat ng mga manlalaro.

“Kapag napuputol ang access sa legal platforms, napipilitan ang players na lumipat na lang sa mga iligal kung saan high risk,” lahad ni Magsano.

Sinabi pa niya na mas ligtas kung naka-link ang e-wallets sa licensed and regulated platforms dahil may transparency, anti-money laundering protocols, safeguards laban sa fraud, at player protection, na mga bagay na wala sa illegal operators.

Batay sa industry studies, matagal nang laganap ang ilegal na sugal sa bansa mula jueteng at masiao hanggang underground casinos. Sa pag-regulate ng online gaming, mas maraming manlalaro ang lumipat sa legal platforms, na nakatulong hindi lang sa kanila kundi pati sa buong industriya.

Tinatayang halos 60% ng online gambling industry ay hawak ng illegal operators na nakakubli sa offshore servers upang hindi mahuli at makatakas sa buwis, habang 40% lang ang lisensyado. Samantalang nitong first quarter ng 2025, halos 49% ng kabuuang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang naiambag ng licensed and regulated platforms.

Ipinapakita rin sa mga pag-aaral na mas agresibong nakakaakit ng mga manlalaro ang illegal sites dahil sa libu-libong laro at malalaking bonus na inaalok, ngunit wala itong age verification, consumer safeguards, at iba pang proteksyon. Sa kabilang banda, ang legal platforms ay sumusunod sa mahigpit na regulasyon gaya ng know-your-customer rules at limitasyon sa transaksyon para maprotektahan ang players.

Humihingi si Magsano ng agarang pagkilos mula sa mga kaukulang ahensya, kabilang ang Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission, Department of Justice, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police, dahil kung hindi lalo pang lalakas aniya ang mga sindikato.

“Ang mas malaking problema, hindi lang tao ang nalalagay sa alanganin kundi pati ang income ng gobyerno. Dapat sabay-sabay kumilos ang mga ahensya at mas palakasin ng PAGCOR ang regulasyon sa legal platforms para mailayo ang publiko sa mga bawal,” giit ni Magsano.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here