MANILA, Philippines – Isang lalaki ang kaagad na namatay makaraang tadtarin ng saksak ng suspek habang nakatayo sa eskinita sa Brgy Anahaw 2, Silang, Cavite.
Dahil sa mga tinamong sugat sa katawan ay nasawi ang biktimang kinilala sa alyas na Jam, nasa hustong gulang na residente sa nasabing lugar.
Sa report ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling araw naganap ang insidente sa may eskinita ng nasabing barangay nang sunod-sunod na inundayan ng saksak ng suspek na nakilala lamang sa alyas na Mark.
Matapos isagawa ng krimen ay bumulagta ang biktima at mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang ginamit na patalim.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya kaugnay sa nasabing insidente at inaalam kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima. MARGIE BAUTISTA