Home METRO Alkalde na wanted sa kasong pagpatay, sumuko

Alkalde na wanted sa kasong pagpatay, sumuko

282
0

COTABATO CITY, Philippines – Kusang sumuko sa mga awtoridad sa bayan ng Talayan ang alkalde ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur kaugnay ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya, nitong Biyernes.

Ayon kay Major Michael Ameril, hepe ng Talayan police, si Mayor Khominie Sandigan, 36, ay kusang loob na sumuko noong Setyembre 9, kasama ang kanyang abogado.

Ani Ameril, ang abogado ni Sandigan ang unang nakipag-ugnayan sa kanilang himpilan para ayusin ang pagsuko ng alkalde.

Nahaharap si Sandigan sa kasong murder na hindi pinapahintulutan ng piyansa, at sa kasong frustrated murder na may piyansang itinakda sa ₱200,000.

Ang mga kaso ay may kaugnayan sa pamamaril na ikinasawi ng dating konsehal ng Datu Salibo na si Demson Silongan noong Abril 2023.

Si Silongan ay papunta sana upang dumalo sa sesyon ng Sangguniang Bayan nang siya’y tambangan.

Kasunod nito, noong Agosto ng parehong taon, nagkaroon ng hiwalay na insidente ng pambobomba na ikinamatay ng kapatid ni Demson na si Datu Manot Silongan, barangay chairman ng Pendetin sa Shariff Saydona.

Sa panahong naganap ang mga insidente, si Sandigan ay nagsisilbi bilang vice mayor. Siya at ang kanyang ama, ang yumaong dating mayor na si Solaiman Sandigan, ay nadawit sa mararahas na pag-atake.

Noong Nobyembre 2023, nakapagpiyansa ang kanyang ama at nakalaya mula sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BARMM), isang buwan matapos maaresto.

Kapwa itinanggi ng mag-ama ang kanilang kaugnayan sa mga kaso.

Pumanaw si Solaiman Sandigan noong Hulyo 12, 2025, dahil umano sa sakit na lung cancer. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here