Home NATIONWIDE P20-K subsidy sa estudyante, pinagtibay ni PBBM

P20-K subsidy sa estudyante, pinagtibay ni PBBM

280
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamilyang filipino na walang estudyante ang mapipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kahirapan.

Ito’y matapos na muling pagtibayin ng Pangulo ang full o partial tuition fee assistance at subsidiya para sa kuwalipikadong college students sa buong bansa.

Ipinahayag ito ng Pangulo matapos pangunahan ang awarding ng Commission on Higher Education (CHED) UniFAST (Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education) scholarships at paglulunsad ng Electronic Certification, Authentication, and Verification (E-CAV) system sa Pasay City, araw ng Biyernes, Setyembre 12.

“Walang kabataan din ang dapat maapektuhan ang pag-aaral dahil sa kahirapan,” ayon kay Pangulong Marcos.

Binigyang diin pa ng Chief Executive ang papel ng UniFAST sa pagpapagaan sa alalahanin ng mga magulang at bigyan ang mga estudyante ng ‘freer hand’ na mag-pokus sa kanilang pag-aaral, magbibigay ito ng full o partial tuition at school fee assistance sa mga kuwalipikadong estudyante sa estado at CHED-recognized local universities at mga kolehiyo sa buong bansa.

“Hindi na nila kailangan sagutin ang halaga ng tuition,” ang sinabi ng Pangulo.

“Mababawasan ang pangamba ng mga magulang at mas malaya nang makapag-aral ang ating mga estudyante,” aniya pa rin.

Idagdag pa rito, ang programa ay magbibigay ng P20,000 annual tertiary education subsidy para sa mga estudyanteng nangangailangan, na maaaring gamitin para sa tuition, transportasyon, mga libro, pagkain, at iba pang school-related expenses.

Ang mga Students with disabilities ay makatatanggap ng karagdagang P5,000 grant, habang ang mga naka-enroll sa degree programs na may licensure exams ay eligible para sa reimbursement ng hanggang P8,000.

Winika ng Pangulo na ang long-term impact ng inisyatibang ito ay mapupunta hindi lamang sa bawat isa sa pamilya, tinukoy ang mas malawak na kontribusyon sa mga gradweyt sa ekonomiya.

“Bunga nito, inaasahan nating mas maraming mga estudyante ang mananatili sa paaralan at makakapagtapos,” aniya pa rin.

“Magiging mas malakas ang ating mga komunidad dahil ang mga nagtatapos bilang guro, nars, inhinyero, ay magiging haligi ng ating pag-unlad,” lahad ng Pangulo.

Dahil dito, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga implementing agency na mas lawakan ang maaabot ng programa at tiyakin na ang benepisyo nito ay malinaw na naipaliwanag sa mga estudyante at mga magulang bago pa magsimula ang academic year.

“Kaya ito ang aking direktiba: Palawakin pa natin ang saklaw ng UniFAST,” ang tinuran ng Punong Ehekutibo.

“Tiyakin natin na malinaw ang guidelines na naipapaalam ito sa mga magulang at mag-aaral bago pa magsimula ang pasukan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, inatasan din ng Pangulo ang mga ahensiya na paigtingin ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa UniFAST para maiwasan ang ‘misinformation.’

Nanawagan naman ang Pangulo sa state at local universities, private higher education institutions, local governments, at iba pang partners na patuloy na suportahan ang mga education program ng gobyerno.

“I also call on Congress to help us strengthen UniFAST so that we can implement it fully as intended in the letter of that law,” anito.

Binigyang diin ng Pangulo na ang pamumuhunan sa edukasyon ay pamumuhunan sa ‘future workforce at long-term growth’ ng bansa.

“Our assistance to our students proves that the returns are immeasurable when the government invests in people,” ayon sa Pangulo.

“When we strengthen education, we also strengthen our workforce and we forge a better future for our economy, for our country,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here