MANILA, Philippines – Isang lalaki na nagsabing malapit na siyang nakatakas sa iligal na pag-aresto at pangingikil ng mga pulis sa Maynila ay lumapit sa National Police Commission (NAPOLCOM) para humingi ng hustisya noong Biyernes.
Sinabi ng biktima na kinilalang si “Chester,” na siya at ang isang kaibigan ay tumatambay sa labas ng isang tindahan noong Martes nang bigla silang arestuhin ng pitong armadong lalaki.
Agad aniya silang pinosasan at isinakay sa magkakahiwalay na sasakyan.
“Nung mga panahon ‘yun, tinatanggal po nila ‘yung mga plaka nila pati conduction sticker po ng mga sasakyan nila. Kaya ako nagtataka na kung bakit ganun ‘yung ginagawa nila,” saad ni Chester.
Ayon kay Chester, hindi sinabi sa kanila ng mga lalaking nagpakilalang mga pulis kung bakit sila inaaresto.
“Dumiretso po kami sa Montalban. Paikot-ikot po kami dun sa Litex, sa San Mateo, sa Marikina. Hindi ko po alam kung ano ang pwede mangyari sa’min dahil sinasabi po nila sa amin na isa-salvage daw nila kami sa hindi po malaman na dahilan” aniya.
Habang nasa loob ng sasakyan, sinabi ni Chester na binugbog sila at binantaang papatayin.
Kinuha rin umano ng mga suspek ang ₱9,000 sa kanyang e-wallet at ang kanyang gintong singsing.
Sinabi ni Chester na nakatakas lamang siya nang huminto ang grupo para kumain sa Maynila.
“Iniisip ko po ‘yung mga anak ko dahil batang bata pa po ‘yung mga anak ko. Papaano na lang po kung nawala po ako, kung sinalvage nila ako? Kaya napilitan talaga ako tumakas,” aniya.
Noong Biyernes, nagsampa ng reklamo si Chester at ang asawa ng kanyang kaibigan sa tanggapan ng NAPOLCOM.
Batay sa nakalap na impormasyon ng NAPOLCOM, inaresto umano ang dalawa noong Setyembre 10 dahil sa ilegal na droga — isang pahayag na mariing itinanggi ng mga biktima.
“Naka-vacuum sealed daw po ‘yung hinuli nila sa asawa ko. Ngayon kinuwestiyon po sila ng nag-inquest sa asawa ko na kung paano nila naamoy ‘yun kung naka-vacuum sealed. Sabi naman po nila, nagkatakbuhan daw po, hinabol daw nila ‘yung asawa ko kaya hinuli daw po nila,” saad ng asawa ng inarestong lalaki.
Ipinag-utos ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang agarang pag-relieve sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Manila Police District (MPD) kasunod ng nasabing alegasyon.“Gusto ko hulihin nila, kriminal, tolongges. Pero hindi rin natin ipikit ng mata o ikibit balikat, kung ang ating enforcement unit eh aabuso,” saad ni Domagoso.
Nangako si NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Commissioner Rafael Calinisan ng patas na pagsisiyasat habang tinitiyak ang proteksyon para sa mga biktima. RNT/MND