MANILA, Philippines – Nakikiisa si Education Secretary Sonny Angara sa pagkondena sa pagpatay sa isang punong-guro sa Maguindanao del Sur at iginiit na walang guro o school personnel ang dapat mamatay habang naglilingkod sa komunidad.
Kinilala ang biktima na si Dr. Dionel Villavito Mahusay, punong-guro ng Datu Pendiliang Piang Elementary School sa Datu Saudi Ampatuan.
Binaril si Mahusay dakong alas-7:30 ng umaga nitong Miyerkules habang papasok sa trabaho, ilang sandali matapos umalis sa kanilang bahay.
Naganap ang pananambang sa isang mataong kalsada sa Barangay Salbu at nasaksihan ng ilang residente. Matapos siyang barilin, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang biktima at bumangga ang minivan nito sa mga nakasalansang kahoy sa isang lumberyard sa gilid ng kalsada.
“Our teachers and school leaders deserve to work in safety and without fear of violence,” pahayag ni Angara.
Nakiramay rin ang kalihim sa pamilya ng biktima at nagpahayag ng pakikiisa sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education at sa buong komunidad ng edukasyon sa Bangsamoro.
Kinondena rin ni Maguindanao del Sur Schools Division Superintendent Dr. Alma M. Abdula-Nor ang pag-atake at inilarawan si Mahusay bilang isang dedikadong lingkod-bayan.
Samantala, nanawagan din si MBHTE Minister Naguib Sinarimbo sa mga awtoridad na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng punong-guro. RNT/MDS