MANILA, Philippines – Itinanggi ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang pahayag ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na may mga pag-uusap umano sa Kamara de Representantes tungkol sa posibleng pagpapaliban o pagkansela ng 2028 elections.
Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong nitong Huwebes, kathang-isip lamang umano ang sinasabing plano para walang halalan sa 2028.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi kailanman naisip, natalakay o isasaalang-alang sa Kamara ang naturang posibilidad.
Wala rin umanong anumang pag-uusap, panukala o deliberasyon tungkol sa pagpapaliban o pagkansela ng pambansang halalan sa 2028. RNT/MDS