CAVITE, Philippines – Arestado ang dalawang lalaking kabilang sa street-level drug list matapos makuhanan ng mahigit 50 gramo ng pinatuyong marijuana sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Alex at Jhon, kapwa nasa hustong gulang at residente ng lugar.
Batay sa ulat mula sa tanggapan ni PLT Col. Chey Chey Saulog, hepe ng pulisya sa Imus, isinagawa ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ang operasyon dakong alas-7:05 ng gabi.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang timbang na 52.08 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P6,336 batay sa standard drug price.
Narekober din ang buy-bust money at isang itim na sling bag.
Isinagawa ang pisikal na imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa lugar ng operasyon. Nahaharap na ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Margie Bautista