Home NATIONWIDE DSWD: Matagumpay na ASEAN hosting, bunga ng pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor

DSWD: Matagumpay na ASEAN hosting, bunga ng pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor

1
0

MANILA, Philippines – Bunga ng matibay na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor at iba pang stakeholder ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit at mga kaugnay na high-level meeting, kabilang ang mga aktibidad sa ilalim ng ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC), ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ito ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita rin ng ahensya, sa panayam ng Radyo Pilipinas nitong Huwebes, Nobyembre 19.

“Binabati natin ang buong Pilipinas sa matagumpay na pagho-host ng ASEAN sa taong 2026. Nakita natin ang pagtutulungan ng bawat ahensya ng pamahalaan, gayundin ng pribadong sektor para maidaos nang maayos itong Summit At yung mga high-level meetings, yung ASCC events and, of course, lahat na po ng related activities o summits na idinaos,”

Ayon kay Dumlao, nakatulong din ang pakikipagtulungan sa civil society organizations at iba pang development partners upang maisulong ang mga pangunahing regional social protection initiatives sa apat na priority areas na tinawag na R.I.S.E.

Kabilang dito ang Resilient and Empowered Families; Inklusibong Pag-unlad; Matalinong Kabataan at Innovation; at isang Pangkapaligirang Sustainable at Food-Secure na Kinabukasan.

Isa sa mga pangunahing hakbangin ng DSWD bilang 2026 ASCC chair ang ASEAN Strategic Protocol for Emergency and Comprehensive Transformation (ASPECT) Framework, na naglalayong magpatupad ng interoperable regional mechanism para sa pagtugon sa mga kalamidad sa mga bansang kasapi ng ASEAN.

Ipinaliwanag ni Dumlao na tutukuyin ng balangkas kung paano maihahatid ang mga relief goods, makatutulong ang mga bansa sa isa’t isa at makakatawid ang mga relief operation sa mga hangganan, habang isinasaalang-alang ang lokal na sitwasyon at pangangailangan ng mga komunidad.

Binibigyang-halaga rin ng ASPECT Framework ang anticipatory action, kabilang ang paggamit ng maagang babala at mga hakbang na nakasentro sa proteksiyon ng mga mahihinang sektor.

Suportado ito ng mga programa sa capacity-building, pagsasanay at pagpapalitan ng kaalaman sa mga bansang kasapi ng ASEAN upang higit pang palakasin ang kahandaan at kakayahan ng rehiyon sa pagtugon sa mga kalamidad. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here