MANILA, Philippines – Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong katao sa Misamis Oriental nitong Lunes, kabilang si Magsaysay municipal councilor Shalako Uba, dahil sa umano’y pagmamay-ari ng ilegal na droga.
Nagpatupad ng search warrant sa tatlong lugar ang PDEA at nakasamsam ng tinatayang 100 gramo ng shabu. Mariing itinanggi ni Uba, 49, ang pagkakasangkot sa droga. Kabilang din sa mga nahuli ang anak ng isang barangay chairman sa Barangay Kibungsod—na target ng rehiyon—at isa pang suspek sa Barangay Artadi.
Ayon kay Expedito Cardona ng PDEA-Misamis Oriental, malapit na nilang ideklarang drug-free ang lalawigan. “Magsaysay is the last municipality… we can go to the farthest borders to clear communities of illegal drugs,” aniya.
Samantala, nagsagawa rin ng 19 operasyon ang Police Regional Office 10 mula Setyembre 13 hanggang 14, kung saan 20 suspek ang naaresto at shabu na nagkakahalaga ng ₱1.4 milyon ang nakumpiska. RNT