MANILA, Philippines – ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa P. Lazaro bilang kanyang kinatawan sa United Nations General Assembly (UNGA) na gaganapin mula Setyembre 23 hanggang 27.
“The President has delegated his engagements at the UNGA to the Secretary of Foreign Affairs to allow him to focus on local issues,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez.
Kinumpirma rin ni Gomez na hindi na dadalo ang Pangulo sa naturang pagtitipon.
Ang desisyong ito ay naganap sa gitna ng kontrobersiya kaugnay ng mga undelivered at substandard flood control projects, matapos ibunyag ni Marcos mahigit isang buwan na ang nakalilipas na 15 kontratista ang nakabulsa ng 20% ng P500 bilyong halaga ng flood control deals.
Bilang tugon, nilikha ng Pangulo ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) bago pa man sumiklab ang mga kilos-protesta laban sa korapsyon na nakatakda sa Setyembre 21.
Samantala, sinabi ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel “Babe” Romualdez na may plano sana si Marcos na dumalo sa UNGA ngayong Setyembre.
Aniya, mahalaga ang presensya ng Pangulo sa UNGA para sa kampanya ng bansa na makakuha ng non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC), “since he will have the chance to engage with many world leaders.”
Ang high-level gathering ay magsisilbing pagbubukas ng taunang General Assembly na may temang tatalakayin, at nagiging pagkakataon din para sa mga lider na magkaroon ng maikling talakayan bago ang opisyal na agenda.
Noong 2023 at 2024, hindi rin nakadalo si Marcos sa UNGA at sa halip ay ipinadala niya ang noo’y DFA Secretary Enrique Manalo bilang kinatawan.
Noong 2022 naman, dumalo ang Pangulo sa UNGA kung saan kanyang tinalakay ang kapayapaan at katatagan sa Asya na ayon sa kanya ay nanganganib dahil sa mga ideological tensions. (Kris Jose)