NANANATILING isa sa pinakamalaking pangarap ng bawat pamilyang Filipino ang magkaroon ng sariling tahanan, isang lugar na maituturing nilang ligtas, matatag at tunay na kanila. Sa kontekstong ito, ang desisyon ng Pag-IBIG Fund na mag-alok ng espesyal na 4.5% housing loan rate para sa mga kwalipikadong miyembro ay isang hakbang na dapat purihin at suportahan.
Ito ay malinaw na tugon sa panawagan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na gawing mas abot-kaya at inklusibo ang pabahay para sa bawat Filipino.
Hindi maikakaila ang malaking ginhawang maidudulot ng programang ito. Kung ikukumpara sa kasalukuyang 6.25% na interest rate, ang 4.5% ay isang malaking pagbaba na makapagbibigay ng halos Php 2,000 na katipiran kada buwan para sa isang Php 1.8 million housing loan na babayaran sa loob ng 30 taon. Sa kabuuan, makatitipid ang isang pamilya ng humigit-kumulang Php 71,000 sa unang tatlong taon pa lamang. Ang ganitong kaluwagan ay hindi lamang numero sa papel kundi dagdag ito na pagkain sa hapag-kainan, dagdag na budget para sa edukasyon, at dagdag na kaligtasan laban sa biglaang gastusin sa kalusugan.
Bilang isang health advocate, nakikita ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang ugnayan ng pagkakaroon ng maayos na tirahan sa pisikal at mental na kalusugan ng isang pamilya
Ang isang bahay na masikip, hindi ligtas, o inuupahan lamang ay nagdudulot ng stress at kawalang-kapanatagan. Ngunit sa tulong ng programang ito, mas marami nang pamilyang Filipino ang magkakaroon ng pagkakataon na makapagsimula ng buhay sa isang maayos na tahanan, na siyang pundasyon ng mas mabuting kalusugan at kalidad ng pamumuhay.
Mahalaga ring bigyang-diin ang lawak ng sakop ng programang ito. Hindi lamang ito nakatuon sa socialized housing kundi umaabot hanggang sa mga unit na nagkakahalaga ng Php 1.8 million, isang hakbang na nagpapakita ng malasakit sa mga pamilyang nangangarap ng mas maluwang at mas matibay na bahay.
Ang pagbibigay-daan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), anoman ang kanilang kita, ay isa ring makabuluhang pagkilala sa kanilang sakripisyo at kontribusyon sa ating ekonomiya.
May mga limitasyon ang programang ito, kagaya ng itinakdang 11,000 slots lamang. Ngunit mas mahalaga ang mensahe at direksyong ipinakikita nito: na ang pamahalaan at Pag-IBIG Fund ay aktibong naghahanap ng paraan upang gawing mas abot-kaya ang pangarap na tahanan. Ang hakbang na ito ay maaaring magsilbing modelo para sa mas malawak at pangmatagalang mga polisiya na tunay na magpapagaan sa kasalukuyang estado ng pabahay sa bansa.
Buong pusong sinusuportahan ng inyong Agarang Serbisyo Lady inisyatibang ito. Ang 4.5% housing loan promo ng Pag-IBIG Fund ay hindi lamang isang panandaliang benepisyo kundi isang simbolo ng malasakit at konkretong tugon sa pangangailangan ng mga pamilyang Filipino.
Kung mapananatili at mapapalawig ang ganitong uri ng programa, tiyak na mas maraming kababayan natin ang makaaahon mula sa kawalan ng sariling bahay tungo sa pagkakaroon ng isang tunay na tahanan.
Alam natin na ang tahanan ay hindi lamang gusali. Ito ang pinagmumulan ng seguridad, kalusugan, at pag-asa. Kaya anomang hakbang na magdadala sa atin nang mas malapit dito ay nararapat na yakapin at ipaglaban.
Ang Pag-IBIG Fund, sa pagkakataong ito, ay tunay na naging tapat sa kanyang pangalan, pagkakaroon ng pag-ibig para sa bawat pamilyang Filipino.






