MANILA, Philippines – Umamin ang may-ari ng isang kumpanyang sangkot sa smuggling na pinaarkila niya ang kanyang kumpanya at import permits sa mga negosyante, isang modus na tinukoy ng Bureau of Customs (BOC) bilang “consignees-for-hire.”
Sa pagdinig ng Senate agriculture committee, inamin ni Jovelyn Daria ng Berches Consumer Goods Trading na kumikita lang siya ng ₱500 kada container. Ayon sa BOC, 25 container ang inimport ng Berches, 19 dito na nagkakahalaga ng ₱59 milyon ang na-flag.
Giit ng broker na si Brenda De Sagun, sinabi sa kanila na “chicken lollipops” ang laman ng shipment ng isang taong kilala lang bilang “Vicente.” Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, malinaw na dummy lamang sila at binigyan ng babala na posibleng ma-cite in contempt.
Inamin din ng broker na si Lujin Tenero na pumirma siya sa tatlong dokumento para sa mga container na nagkakahalaga ng ₱68 milyon, base sa utos ng isang “Carlos” na hindi rin niya kilala ang apelyido. Kinuwestiyon ni Pangilinan ang sistemang pumipirma ang mga broker ng milyong-milyong shipment nang hindi kilala ang kausap.
Babala ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ang ganitong modus ay pasok sa Anti-Agriculture Economic Sabotage Act at maaaring kasuhan ang mga consignees kahit sabihing sila’y “inuupahan” lamang. Nagpalabas ng subpoena ang komite sa ilang indibidwal para sa susunod na pagdinig. RNT