Home METRO Fishing ban ng ludong sa Cagayan, tapos na – BFAR

Fishing ban ng ludong sa Cagayan, tapos na – BFAR

1
0

CAGAYAN  VALLEY – Muling pinayagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangingisda ng ludong sa Cagayan matapos ang 45 araw na fishing ban upang maprotektahan ang naturang isda sa panahon ng pagpaparami.

Ayon sa BFAR Region 2, natapos noong Nobyembre 15 ang closed fishing season na nagsimula noong Oktubre 1, kaya maaari nang muling manghuli ng ludong simula Nobyembre 16, alinsunod sa umiiral na mga regulasyon.

Ang ludong, na kilala rin bilang “President’s Fish,” ay isa sa pinakamamahaling isda sa Pilipinas na maaaring umabot sa P750 hanggang P5,000 ang presyo kada kilo.

Matatagpuan ang naturang isda sa Cagayan River at mga sanga nito, gayundin sa Abra-Santa River system sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Ipinatupad ang taunang fishing ban sa ilalim ng BFAR Administrative Circular No. 247 upang mapangalagaan ang ludong habang nangingitlog at nagpaparami.

Sa panahon ng pagbabawal, hindi pinapayagan ang paghuli, pagbili, pagbebenta, pagdadala at pagtataglay ng ludong, kabilang ang mga produktong nagmula rito.

Ayon sa BFAR, kabilang sa mga banta sa populasyon ng ludong ang labis na pangingisda, dredging at pagmimina na nakaaapekto sa natural nitong tirahan.

Inaasahang makatutulong ang muling pagbubukas ng fishing season sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda at sa ekonomiya ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda sa mga ilog.

Gayunman, pinaalalahanan ng BFAR ang mga mangingisda na sundin pa rin ang mga umiiral na regulasyon at magsagawa ng responsableng pangingisda upang mapanatili ang populasyon ng ludong.

Binigyang-diin ng ahensya na mahalagang mapangalagaan ang likas na tirahan ng naturang isda upang hindi tuluyang maubos ang populasyon nito. Mary Ann Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here