MANILA, Philippines – Inihanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mahigit 2.5 milyong family food packs (FFPs) para sa mga lugar na apektado ng Tropical Depression Mirasol, ayon sa pahayag nitong Miyerkoles.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group, nakaantabay ang mga quick response teams at mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon. Naka-preposition ang mga FFP sa iba’t ibang bodega ng ahensya upang agad maipamahagi kung kinakailangan.
Mayroon ding 114,623 ready-to-eat food packs para sa mga ma-stranded at evacuees, at higit 313,000 non-food items gaya ng kumot, hygiene kits, at modular tents.
“Nanawagan kami sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag at sundin ang mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan,” sabi ni Dumlao.
Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga LGU at sa NDRRMC, habang iniulat ng PAGASA na tumatawid ng Hilagang Luzon si Mirasol nitong Miyerkoles matapos mag-landfall sa Aurora. Santi Celario