MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang naaresto sa Taytay, Rizal matapos umanong magtangkang suhulan ang isang complainant sa kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon sa PNP nitong Miyerkoles.
Nasakote sa entrapment operation ng CIDG nitong Lunes ang isang lalaki at isang babae matapos mag-alok ng pera kapalit ng affidavit of recantation at desistance para iatras ang kaso laban sa ilang personalidad, kabilang ang negosyanteng si Atong Ang.
“Naniniwala ako na may nag-utos sa dalawang naarestong ito at ito ang aalamin natin,” pahayag ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, na inatasan ang CIDG na palalimin ang imbestigasyon.
Nasa kustodiya na ang mga suspek at nahaharap sa kasong grave coercion at obstruction of justice.
Binigyang-diin ni Nartatez na sisilipin at ilalantad ang lahat ng nasa likod ng pagsuhol na ito, at tiniyak na agad maisasampa ang mga kaso.
Umani ng malawak na atensyon ang kaso mula pa noong 2021 nang hindi bababa sa 30 katao na konektado sa e-sabong ang biglang naglaho sa Luzon.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan at resolbahin ang kaso bilang pagsubok sa paninindigan ng gobyerno para sa hustisya. RNT