SAMAR, Philippines – Iniutos ni Public Works Secretary Giovanni Lopez na magpadala ng technical team upang masusing suriin ang P512-milyong Gandara Parallel Bridge matapos gumuho ang dalawang girder nito habang inaalis ang roller attachment noong Martes, Nobyembre 12.
Inatasan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad kumilos at unahin ang kaligtasan ng mga construction worker sa lugar.
Ayon sa contractor, walang manggagawang nasaktan sa insidente. Inako rin nito ang buong responsibilidad at nangakong walang karagdagang gastos sa gobyerno para sa pagpapalit ng mga gumuhong girder.
Nagbabala ang DPWH na maaaring patawan ng mabigat na parusa ang contractor kung mapatunayang construction defects ang sanhi ng pagguho.
Matagal nang nahaharap sa mga pagkaantala ang konstruksyon ng Gandara Bridge. Itinakda ni dating DPWH Secretary Vince Dizon ang target na matapos ito sa pagtatapos ng 2027.
Kabilang sa mga idinahilan ng contractor sa pagkaantala ang problema sa pagkuha ng right-of-way, mga pagbabago sa disenyo at proyekto na hiniling ng lokal na pamahalaan, at madalas na pag-ulan sa bayan.
Mahigit anim na taon nang hindi nagagamit ang lumang Gandara Bridge matapos din itong gumuho at tuluyang isara sa publiko. RNT/MDS