Home OPINION FROZEN NA MGA BIDANG ‘GHOST’

FROZEN NA MGA BIDANG ‘GHOST’

240
0

ILANG araw makaraang buuin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Independent Commission for Infrastructure upang imbestigahan ang “ghost” flood control projects, sa wakas ay nakatikim na rin ng aksyon ang publiko.

Bitbit ang integridad nina Justice Andres Bernal Reyes Jr., dating Department of Public Works and Highways chief Babes Singson, at Rossana Fajardo ng SyCip, Gorres, Velayo & Co— idagdag pa si Baguio Mayor Benjamin Magalong bilang imbestigador — mukhang kasado nang magtrabaho ang komisyon.

Kaya naman nitong Martes, naglabas na ang Anti-Money Laundering Council ng freeze orders sa 135 bank accounts at 27 insurance policies na iniuugnay sa DPWH flood control scandal. Pagmamay-ari ang mga ito ng 26 na katao, kabilang ang mga dating opisyal ng DPWH na sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, John Michael Ramos, Ernesto Galang — at, siyempre pa, ang mga Discaya, ang “BGC Boys,” at ang kanilang mga kasabwat sa pagkubra umano ng bilyon-bilyong pisong halaga ng pera mula sa dugo’t pawis ng taumbayan.

Una, hindi mangyayari ito kung hindi agad na kumilos ang bagong kalihim ng DPWH na si Vince Dizon. Si Dizon ang humiling sa AMLC na agarang umaksyon, at si Dizon din ang agad na nagsibak at nagsuspinde sa mga pasaway na opisyal ng kagawaran, iginiit ang pagkakaroon ng mga ebidensya upang madiin sila.

Abala pa rin siya sa paghahanap ng mga dagdag na ebidensya sa nakaririmarim na katotohanan: ang mga proyektong dapat sana ay tapos na at nagpoprotekta na sa mga buhay at komunidad mula sa baha ay nauwi sa mga palyadong istraktura, mistulang “props” lang na nakausli sa mga pampang at libis para magmukhang nakumpleto na, pero wala naman talagang silbi para mapigilan ang baha. Ito mismo ang nakita nina Dizon at Magalong sa La Union — isang flood mitigation project na idineklarang “completed” noong Marso, pero ginagawa pa rin hanggang ngayon, gamit ang substandard na materyales, habang siyam na iba pa ang walang pinagkaiba sa malamyang harang.

Totoo namang nakapanlulumo! Pero ang mahalaga, hindi pinagtatakpan. Lumalabas na habang bineberipika ni Dizon at ng komisyon ang katotohanan sa likod ng mga report ng DPWH, mas maraming “ghosts” ang kanilang natuklasan. Kaya dapat lang na handa rin ang AMLC. Dahil nasa simula pa lang ang listahan ng mga ipi-freeze na bank accounts.

Gamit ang mga ebidensya, hindi pa nakaaabot sa mga kasapi ng Kongreso ang kapangyarihan ng AMLC. Kailangan nating maging mapagmatyag at siguruhing walang pangalan ang buburahin sa listahan, at walang bank accounts ng nagkasala ang makalulusot. Dahil walang dudang magkakasabwat dito ang mga contractor, ang mga tiwali sa DPWH, at ang mga halal na opisyal na nagsamantala sa sinasabing ‘power of the purse’.

Oo nga pala, ano na ang balita kay Zaldy Co? At bakit isa-isa nang tinatanggal ang mga gamit mula sa opisina ni Speaker Martin Romualdez habang isinusulat ito? Hahayaan ko na lang muna ito rito, pero sigurado akong kapag nalathala na ang kolum na ito ay malinaw na sa atin ang lahat.


Daldalero sa Kongreso

Pero teka muna, may kakaibang napapansin sa isang Kiko sa Kamara. Pinuna ng mga mamamahayag ang anila’y kakatwa sa kanya, habang may mas detalyadong kwento si Deputy Speaker Ronaldo Puno — sinabing si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ay “unwell,” tinukoy ang biglaan na lang umanong pagpasok sa opisina ni Majority Leader Sandro Marcos upang ipag-alukan ang kanyang sarili bilang Speaker: “Join me, I will make you deputy speaker.”

Nang inusisa ng mga mamamahayag, ipinagkibit-balikat lang ni Barzaga ang pambabatikos na “unwell” siya, iginiit na ang mga medical record ay confidential at delikado ang pagpupumilit na isapubliko ito. Hindi siya nagkamali sa sinabi niyang iyon. Pero ang timing nang pag-atake ng National Unity Party ay nangangamoy paghihiganti matapos siyang tumiwalag mula sa partido.

Para sa akin, kung mayroon mang nangyayaring tama sa circus na ito, iyon ay ang desisyon ni Barzaga na umalis sa NUP — ang partidong nakukulapulan na ngayon ng baho ng mga pinuno nitong sangkot sa flood control scams at sa pandarambong sa pera ng taumbayan. At sa imposibleng senaryo na palitan niya si Romualdez bilang Speaker? Doon na lang ako sa ‘suspected cookoo’ kaysa ‘suspected crook’.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here