MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 30,000 katao ang lalahok sa “Trillion Peso March” na gaganapin sa Linggo, Setyembre 21, sa People Power Monument, ayon sa grupong Tindig Pilipinas.
Sinabi ni Kiko Aquino-Dee, co-convenor ng Tindig Pilipinas, na nakipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police at iba pang ahensya para matiyak na magiging mapayapa at makabuluhan ang kilos-protesta.
“We’re really taking seriously the idea that it will be the first time that a lot of people will engage in protest this Sunday and we want to make sure that while it’s a venue to express anger, it’s also a place to do it peacefully, safely and it’s a meaningful experience for everyone who will be attending,” ani Aquino-Dee sa isang panayam.
Gagawin ang kilos-protesta sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Dagdag ni Aquino-Dee, hindi bibigyan ng pagkakataon ang mga pulitiko na magsalita sa entablado, bagkus itatampok ang mga biktima ng katiwalian sa flood control projects, pati na rin ang testimonya ng mga dating opisyal ng gobyerno gaya nina dating Department of Finance undersecretary Cielo Magno, dating Commission on Audit commissioner Heidi Mendoza, at dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Magpe-perform din ang lokal na banda na Ben&Ben, habang may ilang celebrities na hindi muna papangalanan ang inaasahang dadalo.
“Wala kaming sasantuhin na pulitiko… If you want to criticize any politician, Marcos, Duterte, Robredo, Aquino or whatever, you can. But the moment you say, ‘this person should beat the one’… that’s something that we won’t allow,” dagdag niya.
Tiniyak ng organizers na handa ang kanilang water-resistant sound system at may nakahandang ambulansya para sa first-aid. Umapela rin sila sa mga dadalo na magdala ng payong, jacket at iba pang kagamitan sakaling umulan.
“There is a significant level of personal responsibility here… If you are able, we are very much looking forward to seeing you on the 21st,” ani Aquino-Dee. RNT/JGC