PANGASINAN, Philippines – Pansamantalang isasara ang Lingayen Airport mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 bilang pag-iingat sa paggunita ng Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Inanunsiyo ito ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Biyernes. Ayon sa ahensiya, magkakabisa ang Notice to Airmen mula alas-7 ng umaga ng Sabado, Oktubre 31, hanggang alas-4 ng hapon ng Linggo, Nobyembre 1.
Ipinaliwanag ng CAAP na layunin ng pagsasara na matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa Lingayen Public Cemetery na matatagpuan sa tapat ng runway ng paliparan.
Nabanggit din ng ahensiya na dati nang ginagamit ng mga bumibisita sa sementeryo ang runway bilang daanan tuwing Undas.
“[This] is a necessary precaution to prevent possible accidents and protect the public, particularly those visiting the cemetery during Undas,” pahayag ni CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario.
Nilinaw naman ng CAAP na walang kanseladong flight dahil walang commercial flights sa Lingayen Airport. Ginagamit lamang ito para sa general aviation at mga flying school.
Pinaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na iwasang pumasok sa mga restricted area ng paliparan at sundin ang mga protocol sa kaligtasan at seguridad habang umiiral ang pansamantalang pagsasara. RNT/MDS