QUEZON, Philippines – Sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng MV Virgen de Peñafrancia II matapos itong tumagilid malapit sa Ungos Port sa Real, Quezon, madaling-araw nitong Biyernes, Oktubre 30.
Dahil dito, hindi muna pinapayagang bumiyahe ang roll-on/roll-off (RoRo) vessel na pinatatakbo ng Starhorse Shipping Lines Inc. hangga’t hindi natatapos ang masusing inspeksiyon at teknikal na pagsusuri sa kalagayan at pagiging ligtas nitong maglayag.
Ayon sa MARINA, iniutos ni Transportation Secretary Vince Dizon ang suspensiyon ng safety certificate matapos masugatan ang tatlong pasahero sa insidente. Natamaan umano sila ng isang drum na gumalaw nang tumagilid ang barko.
May sakay na 40 pasahero, kabilang ang dalawang sanggol, at 18 tripulante ang barko nang mangyari ang insidente, habang nasa layong 10 metro lamang ito mula sa pantalan. Lahat ng pasahero at tripulante ay nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG).
Batay sa paunang ulat, nangyari ang insidente dakong alas-12:25 ng madaling-araw nang mapatid ang mooring rope na nakatali sa barko sa pantalan dahil sa malakas na agos ng tubig. Tinangka umanong imaniobra ng barko ang sarili pabalik sa pier, ngunit sumadsad ang unahang bahagi nito bago tuluyang tumagilid sa kanang bahagi o starboard side.
Galing sa Polillo Island ang barko at naghahanda na sanang magbaba ng mga pasahero nang mangyari ang insidente. May sakay din itong 14 sasakyan at humigit-kumulang 1,300 litro ng marine diesel sa service tank.
Samantala, naglagay ang PCG ng oil spill containment booms sa paligid ng barko bilang pag-iingat laban sa posibleng pagtagas ng langis at kontaminasyon sa mga kalapit na komunidad.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bagama’t natural na nagkakalas o nagdi-dissipate ang marine diesel, nagtalaga pa rin sila ng containment booms bilang pag-iingat.
“We have directed the shipping company to apply for an Emergency Salvage Permit and undertake measures to safely remove the distressed vessel,” ani Cayabyab.
Iniutos din ng MARINA ang agarang pagpapadala ng mga marine casualty investigator upang alamin ang mga pangyayari at posibleng pagkukulang sa kaligtasan. Susuriin ang kondisyon ng barko, pagkakatali nito sa pantalan, stability, pagkakasiguro ng kargamento at pagsunod sa mga pamantayan sa maritime safety.
Binigyang-diin ng ahensiya na paunang resulta pa lamang ang mga natuklasan tungkol sa insidente at hindi pa ito pinal. Patuloy ang imbestigasyon.
Samantala, sinabi ng Starhorse Shipping Lines na nakikipagtulungan ito sa PCG mula nang mangyari ang insidente. RNT/MDS