MANILA, Philippines – Hindi pa tuluyang “safe” si Senador Joel Villanueva sa budget insertions sa General Appropriations Act para sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan dahil hinihintay pa ng Senate blue ribbon committee ang resibo sa anomalya.
Sinabi ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na hinihintay ng BRC ang resibo o ebidensiya sa tinanggap na komisyon ni Villanueva sa budget insertion nito sa GAA na umaabot sa P600 milyon.
Ani Lacson, ang mga “resibo” o katibayan ay magiging batayan hindi lamang sa paggawa ng mas matibay na batas laban sa korapsyon, kundi para na ring matulungan ang Independent Commission for Infrastructure at ibang prosecution body tulad ng Ombudsman at Department of Justice sa pagsasakdal ng kaso laban sa dalawa at ilang pang kasangkot.
Sa mga panayam kamakailan, sinabi ni Lacson na hihilingin niya kay Senate President Vicente Sotto III na payagang makalabas ng Senado, sa ilalim ng escort, ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez upang makuha ang mga dokumento o “resibo” na magpapatunay sa kanyang paratang na mayroong 30% commission na ibinigay kay Villanueva.
“Kailangan natin ng malinaw na resibo kung sakaling gagawa kami ng rekomendasyon o ipapasa sa Independent Commission for Infrastructure. Yan ang magpapatibay sa alegasyon na nagbigay siya ng 30% commission,” ani Lacson.
Base sa nakitang budget insertion sa unprogrammed funds, natuklasan na may tig-P75 milyon na pondo ang naisingit ni Villanueva para sa walong flood control projects sa bayan ng Bocaue at Balagtas sa Bulacan.
Partikular na natukoy ang proyekto na may tig-P75 milyon para sa pagtatayo ng Bocaue River Flood Mitigation Structure sa Barangay Bambang; P75 milyon sa Barangay Turo; P75 milyon sa Barangay Kaingin; P75 milyon sa Barangay Bunlo, at P75 milyon naman sa pagtatayo ng Balagtas River Mitigation Structure sa Barangay Santol; P75 milyon sa Barangay Dalig, at P75 milyon sa Barangay San Juan.
Sinabi ni Lacson na kung walang katibayan, mananatiling allegation ito pero kung meron sa Monday or sa next hearing, pwede nilang i-recommend sa ICI or Ombudsman na file-an ng kaso ang mga sangkot sa anomalya.
Noong Huwebes, kinumpirma ni Lacson na may P600M na flood control projects sa Bulacan na nakalagay sa Unprogrammed Fund ng 2023 GAA — alokasyon na unang itinuro ni Hernandez kay Villanueva. Natuklasan ito matapos repasuhin ng staff ni Lacson ang mga dokumentong ipinasa ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Nakita rin ni Lacson at ng kanyang opisina sa regular budget ng 2025 GAA ang P355M na proyekto sa Bulacan.
Lumabas pa na may pondo nang inilabas para sa Phase 3, pero nasa Phase 1 pa lang ang aktwal na konstruksyon.
Tinanong kung maaaring gawing state witness si Hernandez, sinabi ni Lacson na DOJ ang dapat mag-evaluate nito.
Giit ni Lacson, siya at si Sotto ay nasa “sagasa mode” na ngayon — walang pinalalampas, walang sasantuhin.
“Napag-usapan namin ni Senate President ito. Sagasa na kami sa puntong ito ng aming political career. Basta may ebidensya, wala kaming sasantuhin,” aniya pa. Ernie Reyes