MANILA, Philippines – Lumabas sa tala ng US Customs and Border Protection na umalis na ng Estados Unidos si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na inaakusahan ng pagtanggap ng kickbacks mula sa flood control projects.
Naitala na dumating si Co sa New York noong Agosto 26 at umalis noong Setyembre 13, ngunit hindi nakasaad kung saan siya tumungo.
Una nang sinabi ng tagapagsalita ng Kamara na si Princess Abante na nagpunta si Co sa US para magpagamot.
Mariin namang itinanggi ni Co ang mga paratang na inuugnay sa flood control anomaly at 2025 national budget bilang “baseless and irresponsible” at “politically motivated.”
Samantala, sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III na tatalakayin ng House leadership at Ethics Committee ang mga hakbang upang mapabalik si Co sa Pilipinas kung hindi ito makadadalo sa Batasan sa loob ng 10 araw mula Setyembre 18.
Nauna nang binawi ni Dy ang travel authority ni Co. RNT