Home OPINION KONTAMINADONG PROTESTA

KONTAMINADONG PROTESTA

198
0

AYOS na sana ang isinagawang protesta noong ika-21 ng Setyembre subalit nuknukan ng dami ang sumakay sa aktibidad na ito na mga oportunista.

Mapayapa sa pangkalahatan maliban sa grupong nagsagawa ng karahasan sa lugar ng Mendiola o University Belt na pinipilit tularan ang mga naganap na marahas na protesta sa ibang bansa tulad doon sa Indonesia at Nepal.

Ang nakasusura pa ay ang paglutang ng mga kilalang personalidad noong araw na kupas na ngayon pero sumama sa protesta upang magpapansin sa taumbayan dahil baka maka-tsamba nga naman na magamit ito upang muli silang sumikat.

Kung mayroon mga kupas ng mga personalidad ay nandoon din ang kasalukuyang mga sikat tulad ng mga artista na binigyan pa ng pagkakataon na magsalita o manawagan gayung batid naman ng lahat na konektado rin ng mga ito ang mga akusadong magnanakaw sa kaban ng bayan.

May mga miyembro rin ng Kamara ang lumahok sa naturang protesta na nanawagan ng hustisya laban sa mga magnanakaw samantalang iisang bubong sila roon sa House of Representatives na itinuturong isa sa pinagmulan ng mga maanomalyang proyekto.

Tila wala naman sa miyembro ng Senado ang lumahok na isa rin sa ininguso na pinagmulan ng mga anomalyang ito subalit ang dalawang Kapulungan ng Kongreso natin ay nagsasagawa ng kanya-kanya o hiwalay na imbestigasyon.

Bumuo naman ang Malakanyang ng Independent Commission for Infrastructure para magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon kahit alam ng taumbayan na pinirmahan ng Pangulo ang 2025 Budget na maraming ‘insertions’ na ginamit sa maanomalyang proyekto.

Oooppps… hindi rin nawala ang mga grupong dilawan, pinklawan at kung sino-sino pang mga grupong ‘wan-wan’ na ang interes ay isulong ang kagustuhan ng kanilang politiko na nauwi pa sa marahas na pagtatagpo ng mga ito.

Sa kabila ng ilang beses na nakikita ng taumbayan ang pagiging malapit ng mga opisyal ng gobyerno tulad ng mga Kongresista sa mga alagad ng simbahan gaya ng mga pari o obispo ay naroon din sila sa protesta. Parang hindi nakinabang sa donasyon ng mga magnanakaw sa kanilang simbahan?

Nakalulungkot ang nangyari sa naturang protesta dahil taumbayan sana… yung tunay na taumbayan ang sisigaw ng katarungan laban sa mga kawatan ng lipunan subalit naging kontaminado ito nang dahil sa paglahok ng mga oportunistang grupo at indibidwal.

Para sa komento o suhestiyon: [email protected]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here