MANILA, Philippines – Umangal si Senator Jinggoy Estrada nitong Martes sa pahayag ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Blue Ribbon Committee hearing na maaaring hindi nangyari ang kontrobersiya sa flood control projects kung nakulong ang mga sangkot sa Napoles pork barrel scam.
Sa kanyang manifestation sa plenaryo, sinabi ni Estrada na ang mga komento ni Pangilinan ay “malicious and uncalled for.”
“Remember, Senator Pangilinan, that I was acquitted by the court. Are you questioning the decision of the court acquitting this representation? You are a lawyer. I am not. You should not be talking that way. You are undermining the judicial processes in the country.”
Naaresto si Estrada kasama sina dating senators Juan Ponce Enrile at Ramon “Bong” Revilla Jr. noong 2014 dahil sa diumano’y maling paggamit ng pork barrel funds ngunit sila ay naabswelto ng Sandiganbayan. Giit niya, ang pagbibigay ng ibang impresyon ay “walang iba kundi pagtatangkang baguhin ang kasaysayan at dungisan ang hudikatura.”
Nilinaw naman ni Pangilinan na wala siyang intensyon na manira at humingi ng pang-unawa kay Estrada. “There was no intention of maligning any senator with that manifestation… humihingi tayo ng unawa kay Senator Jinggoy Estrada. Wala pong personalan,” aniya.
Makikitang nagkamayan at nag-usap ang dalawang senador sa suspensyon ng sesyon, bagaman hindi malinaw kung tuluyan na nilang naresolba ang isyu. RNT