SURIGAO, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Coast Guard Station (CGS) sa Surigao del Norte (SDN) ang paglalayag ng lahat ng sasakyang pandagat at sasakyang pantubig, anuman ang uri o sukat, na bumibiyahe mula sa lalawigan patungo sa mga lugar na apektado ng Severe Tropical Storm Opong (international name Bualoi) noong Huwebes ng umaga.
“The suspension of travel follows the issuance of Tropical Cyclone Bulletin No. 7 by PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) on Thursday, which hoisted Tropical Cyclone Wind Signal Nos. 1 and 2 that affected the routes and destinations of vessels coming from Surigao del Norte,” saad ng CGS-SDN.
Gayunpaman, ang roll-on roll-off (RORO) vessels na bumibiyahe mula Surigao Port hanggang Dinagat Islands at mula Lipata Port hanggang San Ricardo sa Visayas ay maaari lamang maglayag kapag mahigpit na natugunan ang mga kundisyon na tinukoy sa Paragraph V (D) ng Memorandum Circular No. 02-23.
Ang ilan sa mga kundisyon ay kinabibilangan ng hindi pagdadala ng mga pasahero maliban sa mga driver at rolling cargoes, at ang mga rolling cargo ay hindi nagdadala ng mga mapanganib na materyales, bukod sa iba pa.
Pinayuhan din ng CGS-SDN ang mga residente sa coastal areas na manatiling alerto at subaybayan ang mga pinakabagong update sa panahon.
Ang mga coast guard stations sa Dinagat Islands, Siargao Island, at Surigao City ay nag-isyu din ng pansamantalang suspensyon sa paglalakbay sa dagat.
Samantala, nitong Huwebes ng umaga, ipinag-utos na ng ilang local government units (LGUs) sa Dinagat Islands ang pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang matiyak ang kaligtasan dahil sa banta ng Opong.
Kabilang sa mga LGU ang Loreto, Tubajon, Cagdianao, Libjo, at San Jose.
Inatasan ng mga LGU ang mga barangay officials at disaster offices na tiyaking handa ang mga evacuation centers at subaybayan ang weather advisories mula sa PAGASA at iba pang ahensya. RNT/MND